NASAWI ang isang 4-anyos na paslit nang masunog ang kanilang bahay dahil sa sumingaw na liquefied petroleum gas (LPG), Martes ng hapon sa Crisolita Street, San Andres, Manila.
Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection.(BFP),nagsimula ang sunog alas 2:43 ng hapon na umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fire out alas 3:30 ng hapon.
Nabatid kay Jaymat Munon,tiyuhin ng biktima, nasa ikalawang palapag siya ng bahay kasama ang dalawang pamangkin nang magsimula ang sunog sa kanilang bahay, habang natutulog naman ang biktima sa ikatlong palapag.
Nang gumapang ang apoy sa kanilang bahay, binitbit niya ang dalawang pamangkin palabas ng bahay pero hindi na niya nagawang nabalikan ang nasa ikatlong palapag dahil sa laki na ng sunog.
“‘Pag-akyat ko, bumungad ang usok saka ‘yong apoy, ang laki,” ayon kay Munon.
Bago ang sunog, nakaamoy umano ang mga residente ng sumisingaw na tangke ng LPG.
Maya-maya pa ay mabilis nang gumapang ang apoy sa dikit-dikit na mga bahay.
Napag-alaman na may 15 bahay ang nadamay sa sunog.
Sa impormasyon nakuha kay Barangay chairman Jose Abrito, ang mga biktima ay nasunugan din noong Hulyo 2021.
Nagkakanlong ang mga nasunugan sa multi-purpose hall ng barangay.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng arson division sa sanhi ng sunog.