UMAABOT sa 4.9 milyong botante na ang na-deactivate ng Commission on Elections (Comelec) at dahil diyan ay hindi sila makakaboto sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon sa datos na ibinahagi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, hanggang noong Abril 15, 2024 ay may kabuuang 4,903,415 botante na ang inalis nila sa voter’s list.
Karamihan sa mga botanteng inalis sa listahan na nasa 4,898,744 ay na-deactivate dahil sa kabiguang makaboto sa dalawang magkasunod na halalan; 1,003 ang hindi ma-validate ang rekord at 3,663 naman ang deactivated voters sa ilalim ng kategoryang “Excluded per Court Order”.
Napag-alaman na may tatlong botante naman ang inalis sa listahan dahil sa pagkawala ng kanilang Filipino citizenship habang tig-isang botante naman ang deactivated sa ilalim ng mga kategoryang “Sentenced by Final Judgment of Having Committed Any Crime Involving Disloyalty to the Duly Constituted Govt’t, or Any Crime Against National Security”; at “Sentenced by Final Judgment to Suffer Imprisonment for Not Less Than One Year.”
Ayon sa Comelec, pinakamaraming botante ang na-deactivate mula sa Region IV-A (Calabarzon) na nasa 733,903, kasunod ang National Capital Region (NCR) na may 618,121 at Region III (Central Luzon) na may 503,297.
Samantala, maaari pa naman umanong magpa-reactivate ng kanilang rehistro ang mga naturang deactivated voters upang makaboto sa susunod na halalan.
Ang voter registration na isinasagawa ng Comelec ay sa Setyembre 30, 2024 pa magtatapos.














