ITO ang ginawang paglilinaw ng Philippine National Police kaugnay sa posibleng apela at confirmatory drug test na ihahain ng pinasisibak na senior police officer, matapos na mag-positibo sa isinagawang ‘urine drug analysis’.
Naninindigan ang PNP Crime Lab sa accuracy ng mga drug test na kanilang isinasagawa.
Ayon kay PNP Forensic Group Director Police BGen Constancio Chinayog, tanging resulta lamang ng drug test na ginawa ng kanilang crime lab gamit ang hawak nilang urine sample ang kanilang kinikilala.
Sinasabing kahit pa mag-negatibo si dating Mandaluyong Police Chief PCol. Cesar Gerente sa drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI) ay hindi nila ito tatanggapin.
Hindi umano maalis ang posibilidad na ibang urine sample ang ginamit dito.
Gayunman, ‘welcome’ naman sa kanila ang pag-challenge ni Gerente sa confirmatory drug test ng PNP.
Pwede naman kasing depensahan ni Gerente ang kanyang sarili sa imbestigasyon na isinasagawa ng Internal Affairs Service para patunayan na hindi sya gumagamit ng iligal na droga.