UMAABOT sa 3,702 na baril ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng anim na buwang implementasyon na nationwide total gun ban kaugnay sa idinaos na may 2025 midterm elections at nagwakas kamakalawa, araw ng Miyerkules.
Sa pagtatapos ng gun ban ay inulat na nasa 3,616 katao ang inaresto ng mga awtoridad at sa datos ng National Election Monitoring and Action Center ng PNP, karamihan sa mga nadakip na gun ban violators ay nasabat o nasita sa pinairal na Commission on Elections (COMELEC) checkpoints at iba pang law enforcement operations sa buong bansa mula January 12, 2025 hanggang kamakalawa June 11, 2025.
Sa record ng NEMAC, ang PNP ay nagsagawa ng 998,679 checkpoint operations sa buong bansa na nagresulta sa 265 arrests.
May 1,879 individuals ang nadakip sa mga isinagawang police response operations,; 556 sa inilunsad na anti-illegal drug operations; 229 mula sa gun buy-busts; 686 naman sa iba pang law enforcement operations at isa naman sa isinagawang internal security operation sa Southern Luzon.
Sa kabuuang bilang ng mga naaresto, 3,462 ay mga sibilyan; 61 security guards; 16 foreign nationals ; 21 PNP personnel , 19 ay sundalo; 14 elected government officials, walo ay kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU; pito ay kasapi ng iba pang law enforcement agency; tatlong children in conflict with the law; tatlo ay mula sa mga communist terrorist group at dalawang appointed government officials.
Nangunguna naman ang Metro Manila sa may pinakamataas na bilang ng nahuli na umaabot sa 1,271, na sinundan ng Region 3 na may 435 arrests, Region 7 na may 429 at Region 4A na may 336 arrested.
“In total, 3,702 firearms recovered 1,317 ay revolvers, 1,057 naman pistols, 28 rifles, 28 shotguns, at ang 908 nalalabi ay kinategoryang as other firearms,” anang PNP.
Sinabi ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III na bagama’t natapos na ang gun ban na may layuning matiyak na magiging payapa at maayos ang gaganaping halalan ay hindi umano dito nagtatapos ang trabaho ng PNP.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia. sakaling matuloy ang Barangay at SK election ay muli silang magpapatupad ng nationwide gun ban.
Kung magtutuloy-tuloy na ang nakatakdang Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao Parliamentary election ay mas mahigpit na gun ban implementation umano ang kanilang ipatutupad.














