3,572 bagong kaso ng COVID-19, naitala mula Marso 14 – 20

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng hapon na ang naturang bilang ay 13% na mas mababa kumpara sa naitala noong nakaraang linggo.

Ayon sa DOH, nasa 510 naman ang daily case average na naitala nila para sa naturang linggo.

Nakasaad din sa datos na nasa 805 pa ang severe at critical cases na kasalukuyang naka-admit sa mga pagamutan.


Sa 3,473 ICU beds, 17.8% ang okupado habang 16.6% ng non-ICU COVID-19 beds ang ginagamit din.

Sa mga bagong kaso naman ngayong linggong ito, isa lamang ang iniulat na severe o critical case.

Samantala, nabatid na mahigit 65,171,415 indibidwal naman o 72.41% ng target population ng pamahalaan ang fully vaccinated na laban sa COVID-19 matapos na madagdagan ng 630,575 noong Marso 14-20.

Nasa 11,530,728 milyon anila sa mga ito ang nakatanggap na ng kanilang booster shots matapos na madagdagan pa ng 370,191 sa nasabi ring petsa.


Nasa 6.5 milyon namang senior citizens o 75.31% ng target A2 population ang nakatanggap na rin ng kanilang primary vaccine series.

Anang DOH, mayroon ring 655 pang naitalang namatay dahil sa sakit nitong nakalipas na linggo.

Sa naturang bilang, 97 ang naganap noong Marso 2022 (14.8%), 122 noong Pebrero 2022 (18.6%), 81 noong Enero 2022 (12.4%), habang ang natitirang iba pa ay naganap naman sa magkakaibang buwan noong taong 2021 at 2020 ngunit ngayon lamang naitala dahil sa late encoding ng mga impormasyon sa COVIDKaya system ng DOH.

Kaugnay nito, pinapaalalalahan ring muli ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.


“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted facemask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa dagdag na proteksyon laban sa banata ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” dagdag pa nito. (Jaymel Manuel)

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read