3,500 ARBs sa Tarlac, Tatanggap ng Debt Condonation Certificates mula kay PBBM

By: Victor Baldemor Ruiz

UPANG maipatupad ang Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), nasa 3,500 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa lalawigan ng Tarlac ang nakatakdang tumanggap ng kabuuang 4,663 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) mula mismo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa isang seremonya na gaganapin sa Setyembre 30, 2024, sa Eduardo Cojuangco Gymnasium, Paniqui, Tarlac.

Ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado M. Estrella III, mapapawalang-bisa na ang kabuuang utang na nagkakahalaga ng P124 milyon, ng 3,500 ARBs na tatanggap ng 4,663 COCROMs, na sumasaklaw sa 4,132.1256 ektarya ng mga lupang pang-agrikultura, alinsunod sa mga probisyon ng RA 11953.


“Ang pamamahagi ng mga sertipiko na ito ay hindi lamang tungkol sa pagpapatawad ng utang na kanilang pinasan ng maraming taon, kundi pati na rin sa pagbibigay kapangyarihan sa mga magsasaka upang lubos na mapaunlad ang pagiging produktibo ng kanilang lupa at mapabuti ang kanilang pamumuhay bilang mga magsasakang Pilipino,” diin ni Estrella.

Ibinunyag pa ni DAR Central Luzon Regional Director James Arsenio Ponce na ang nakatakdang pamamahagi ng mga COCROM sa Tarlac ay ang ikatlong pagkakataon na ginawa sa naturang rehiyon ng Gitnang Luzon, kasunod ng mga pamamahagi sa mga lalawigan ng Nueva Ecija at Bulacan.


Tags: DAR Central Luzon Regional Director James Arsenio Ponce

You May Also Like