Isang 34-anyos na babae ang sugatan matapos na pagsasaksakin ng lalaking nakasama diumano niya na nagcheck-inn sa Sogo Hotel,sa Sta Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nai-report lamang ang insidente sa Manila Police District -Police Station 11 dakong alas- 9 ng umaga kahapon, matapos na maaresto ang suspek na si Carlo Oblimaga, 26, ng No. 649 Baseco Port Area, Maynila.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong frustrated homicide laban sa suspek sa Manila Prosecutors Office.
Nagpapagaling naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Noemi Lambo.
Ayon sa ulat ng MPD-PS 11,naganap ang insidente alas -10 ng gabi sa Sogo Hotel, matapos mapuna ni PCpl. Arnie Umaga ng Gandara PCP na may komosyon sa lobby ng hotel, habang nagpapatrulya.
Nakitang pinipigilan ng guwardiya na makaalis ng hotel ang suspek matapos na madiskubreng sugatan ang kasama nitong babae.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng tangkang pagpatay sa biktima.