ITINATAYANG aabot sa 33,000 kagawad ng Philippine National Police ang itinalaga para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa buong bansa sa pagbubukas ng mga pampublikong elementarya at high school kahapon araw ng Lunes (Hulyo 29, 2024).
Bagamat marami pa rin sa mga pampublikong paaralan ang nagsuspinde o inurong ang kanilang opening of classes ay tuloy na ang inilatag na security preparation ng PNP kaugnay sa pagbubukas ng klase.
Inaasahang milyong mag-aaral ang dadagsa sa opening of classes sa likod ng katatapos na pananalasa ng Bagyong Carina na nagpalakas din sa umiiral na Southwest monsoon o Habagat.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, habang ipinagpaliban ng ilang local government units ang pagbubukas ng paaralan kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon Carina at habagat ay nakatutok ang kapulisan sa pag-secure sa mga estudyante.
“Habang inaasahan natin itong sitwasyon ng bagyong Carina ay tuloy tuloy na rin ‘yung ginagawa natin paghahanda para sa balik eskwela ngayong taon na ito,” ani Fajardo.
Inihayag ng Department of Education (DepEd) nitong nakalipas na linggo na 738 na paaralan — 442 sa Central Luzon, 206 sa National Capital Region, 86 sa Cordillera Administrative Region at apat sa Cotabato — ang nag-reschedule ng kanilang school opening.
Ayon sa tagapagsalita, bukod sa pinaigting na police visibility sa paligid ng mga paaralan ay may direktiba si PNP chief Rommel Francisco Marbil na magsagawa ng pagpapatrulya sa paligid ng mga paaralan, magtatag ng mga police assistance desks (PADs) at makipag-ugnayan din sa mga local government unit sa kanilang nasasakupan.
Bukod dito ay kailangan din umano ng mga opisyal ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng paaralan upang talakayin ang mga hakbang sa seguridad sa loob at labas ng mga eskwelahan.














