Nasawi ang isang 33 -anyos na welder nang pagtulungang bugbugin ng limang suspek, kabilang ang babaeng binastos ng kanyang kainuman, kamakalawa ng madaling araw sa may Sulucan St. Sampaloc, Maynila.
Idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Molan Villamor, ng 619 Sulucan St.Sampaloc,Maynila, habang arestado naman ang limang suspek na sina Mar Copper Ogbac,19; Mark Jloid Leano,22; Angelo Cenon Bolivar,26; Ambo Fernandez,18;at Leanne Gayle Miraflores,18.
Ayon kay PCapt.Dennis Turla,hepe ng Manila Police District -homicide section,naganap ang insidente,alas-4:48 ng madaling araw sa Galicia Street, Sampaloc, Maynila.
Bago ang insidente, npag-alaman na dumaan si Miraflores sa Sulucan Street kung saan isa sa kainuman ng biktima ang nambastos kay Miraflores.
Ilang sandali pa ay bumalik si Miraflores, kasama ang ilan niyang kaanak at kinumpronta ang grupo ng biktima at doon ay nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan hanggang sa umalis na ang grupo ni Miraflores.
Ilang sandali na ang nakalipas nang magpasya naman ang grupo ng biktima na pumunta kina Miraflores para humingi ng paumanhin. Nasa kalagitnaan sila ng pag-uusap nang biglang may nanuntok sa panig ng mga suspek at naging dahilan ito para pagtulungan ang biktima.
Kasama na rin si Miraflores na sinubukan pang hampasin ng bote at tadyakan ang nakahandusay na biktima.
Depensa ng babae, nadala lamang siya ng kaniyang emosyon dahil pinagtawanan din umano siya ng biktima.
Sinabi naman ng isa pang suspek na hindi nila intensyon na patayin si Villamor.
Samantala, nanawagan naman ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.
“Napakasakit. Hindi naman niya kasalanan ‘yun parang gusto lang niya humingi ng pasensya. Tapos doon pa siya napahamak,” ayon kay Darwin Domingo, testigo at pinsan ng biktima.
“Hindi namin matanggap. Gusto po namin ng hustisya dahil sobrang bait ng tito ko,” ayon naman kay Pattrece Villamor, pamangkin ng biktima.
Nakatakdang sampahan ng kasong. murder ang mga suspek sa Manila Prosecutor’s Office.














