AYON sa inilabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga indibidwal na naapektuhan ng nararanasang pag-ulan dala ng shearline at nagdaang bagyong ‘Kabayan’ sa maraming bahagi ng Pilipinas.
Sa inilabas na datos kahapon ng NDRRMC apat na araw bago mag-Pasko, lumobo pa sa kabuuang 322,768 na mga indibidwal o katumbas ng 87,599 na mga pamilya na naapektuhan ng nasabing masamang lagay ng panahon.
Sa nasabing bilang ay nasa 3,092 katao o 1,440 pamilya ang kasalukuyang nananatili ngayon sa 25 evacuation centers na inilaan ng pamahalaan, habang 66 na mga pamilya naman o 292 indibidwal ang piniling manuluyan muna sa kanilang mga kaanak at kakilala.
Samantala, sa ngayon ay tatlong lugar pa rin sa Davao Region ang nakakaranas pa rin ng power interruption, habang anim na lugar sa Caraga ang wala pa ring kuryente at isang lugar din sa rehiyon ang wala pa ring linya ng komunikasyon nang dahil pa rin sa epekto ng sama ng panahon.
Aabot din sa 1,387 na mga kabahayan ang napaulat na partially-damaged habang nasa 40 naman ang totally-damaged mula sa rehiyon ng Northern Mindanao, Caraga at MIMAROPA.
Ayon sa NDRRMC, sa ngayon ay umabot na sa kabuuang P2,538,168 halaga ng tulong ang ipinaabot ng pamahalaan para sa mga apektadong indibidwal ng shear line at tropical depression, kung saan may isang inulat na pinangangambahang nasawi o nawawala.














