MAY 320,000 kababaihan ang nakatakdang pagkalooban ng Department of Health (DOH) ng libreng cervical at breast cancer screening.
Napag-alamang inuna ng DOH sa nabanggit na program nitong Valentine’s Day ang may 150 babaeng pampublikong guro sa Angelo Loyola School sa Carmona, Cavite na binigyan ng cervical cancer test na Visual Inspection with Acetic Acid (VIA).
Gayundin, ang pap smear na karaniwang nagkakahalaga ng ?2,000 – ?4,000 at HPV DNA testing na nagkakahalaga ng ?8,000 – ?10,000.
Alinsunod ang nasabing proyekto sa mandato ni DOH Sec. Ted Herbosa na mas paigtingin pa ang Women’s Health o pangangalaga sa kalusugan ng mga kababaihan.
“Sa maagang screening, mas mapapababa ang panganib ng cancer dahil mas magiging maaga ang gamutan habang hindi pa ito malala,”ayon Kay Sec. Ted Herbosa. “Ang isang komunidad ay magiging malakas lang kung malakas ang mga kababaihan. The Philippines is a matriarchal society. We have to take care of women. Dahil sa bagong Pilipinas, bawat babae mahalaga,” dagdag pa ng Kalihim.
Pangatlo sa karaniwang cancer sa mga Pilipino ang cervical cancer. Sa kabila nito, nananatiling mas mababa pa sa 1% ang nagpapatingin nang maaga para sana sa mas maagap na gamutan at maiwasan ang pagkamatay ng pasyente.
Dahil dito, mas pinaiigting pa ng DOH ang mga hakbang para mapigilan ang malalang kaso ng cancer sa pamamagitan ng libreng early screening.
Bukod sa cervical cancer screening, ibinahagi rin ng DOH ngayong araw ng mga puso ang libreng Clinical Breast Examination (CBE) at Breast Ultrasound, HPV vaccination, HIV screening and counseling at iba pang mental health services, maging family planning services tulad ng pagbibigay ng oral contraceptive pills, depot medroxyprogesterone acetate (DMPA) at contraceptive implants.