NASA mahigit 30 kilo ng high-grade dried marijuana ang nadiskubre ng pinagsanib na pwersa ng Aduana kasunod ng isinagawang x-ray scanning at physical examination sa isang kahina-hinalang kargamento na naglalaman ng anim na kahon na nagmula sa Thailand.
Sa isinumiteng ulat sa tanggapan ni Bureau of Customs Commissioner Bienvenido Rubio, siniyasat ng Customs Intelligence and Investigation Service – Manila International Container Port, katuwang ang ilang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency, ang nasabing kontrabando.
Ayon kay Customs chief Rubio, nakakatanggap ng derogatory information ang kanilang intelligence unit hinggil sa shipment mula sa bansang Thailand na tatangkaing ipasok sa Pilipinas at naglalaman ng high-grade marijuana na nagkakahalaga ng multi-million pesos.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PDEA at BOC para sa mga tunay na kakikilanlan ng mga consignee, sender at recipient ng balikbayan boxes na posibleng ipagharap ng kasong may kinalaman sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.














