HAWAK na umano ng Philippine National Police – Police Regional Office 9 ang tatlong pinaniniwalaang kasapi ng armed lawless elements na sinasabing sangkot sa pagdukot sa American vloggers sa Sitio Tungawan, Barangay Poblacion, Sibuco, Zamboanga del Norte kamakailan lamang.
Sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng PNP sa Camp Crame Quezon City ng PNP-PRO 9, nasa kanila na umanong kustodiya ang tatlo sa anim na sinasabing dumukot sa American Youtuber na si Elliot Onil Eastman ng Vermont, USA.
Ayon sa ibinahaging report ni PNP PIO Chief P/BGen. Jean Fajardo, hawak na nila ang tatlong suspek habang ‘at large’ ang tatlong iba pa.
Sinasabing may direct participation sa kidnapping ang tatlong suspek kung saan napag-alaman na dalawa sa mga ito ay may kasong murder at pawang miyembro ng criminal group.
Sa ngayon, nasampahan na ng kasong kidnapping at serious illegal detention ang anim na suspek at iba pa sa Provincial Prosecutor’s Office sa Sindangan.
Matatandaang October 17 ng gabi nang dukutin ang American national na si Elliot Onil Eastman sa Sitio Tungawan, Barangay Poblacion, kung saan tinangka pa umano nitong manlaban kaya binaril siya sa hita ng mga suspek.
Nakitang isinakay sa isang kulay putting motor boat ang biktima at umalis ang bangka papunta sa direksyong pa-Sulu at Basilan.
Nabatid na inaalam pa ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng biktima dahil wala pang kumpirmasyon na buhay pa ang dinukot na Amerikano.
Magugunitang nitong nakalipas na Lunes ay inihayag ng PNP na nagpadala ng surrender feeler ang isang person of interest sa abduction ng American vlogger, kaya umaasa ang kapulisan na magkakaroon ng magandang development sa kaso.














