Latest News

3 SUGATANG NPA SA CAMARINES SUR, INILIGTAS NG MGA SUNDALO

By: Victor Baldemor Ruiz

TATLONG kasapi ng New People’s Army na pawang sugatan matapos makasagupa ang mga tauhan ng Army 81st Infantry Battalion ang agad na nilapatan ng lunas ng mga nakalabang sundalo matapos ang sagupaan sa pagitan ng Barangay Cotmo at Barangay Aldezar, Sipocot, Camarines Sur nitong kamakalawa ng tanghali.

Ang maisalba ang buhay ng tatlong sugatang NPA mula sa engkwentro ang naging prayoridad ng tropa ng 81st Infantry Battalion matapos ang 15- minutong palitan ng putok at nang sila ay abandonahin ng kanilang mga kasamahan .

Duguan at walang-awang iniwan ng kanilang mga kasamahan ang tatlo na agad namang nilapatan ng pangunang lunas ng naka- engkwentrong mga sundalo.


Maliban dito, nakuha din sa pinangyarihan ng engkwentro ang ilang armas kabilang na ang: dalawang M16 rifle; dalawang cal. 45 pistol: mga bala at mga personal na kagamitan.

Una rito, napag-alaman ng 81st Infantry Battalion mula sa mga nagmamalasakit na mamamayan ang umano’y presensiya ng mga NPA sa lugar na agad nilang inaksyunan.


Kaugnay nito, binigyang-diin ni Maj, Gen Adonis R Bajao, pinuno ng 9th Infantry “Spear” Division, Philippine Army at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) na mas maigi na sumuko na sila (NPA) para maiwasan na ang bakbakan at ang kasawian ng kanilang mga kasama.

Pinuri naman ng heneral ang mga tropa ng 81IB dahil sa pagsalba sa buhay ng tatlong sugatang NPA na ngayon ay nasa pagamutan na.


Tags: New People's Army

You May Also Like

Most Read