Magkakasunod na natagpuang patay ang tatlong katao na kinabibilangan ng dalawang palaboy, kamakalawa sa magkahiwalay na lugar sa Quiapo at Sampaloc,Maynila.
Ayon sa Manila Police District-homicide section, unang natagpuang walang buhay ang palaboy na si Violeta Dasal,49, alas-2:30 ng madaling araw sa gilid ng Metrobank Building sa may Palanca Street sa Quiapo.
Alas- 3:15 ng madaling araw naman nang matagpuang walang buhay sa harap ng Extreme Photo shop sa may Hidalgo Street ang isa pang lalaking palaboy din na nasa edad 60-70,maitim at payat.
Samantala, alas- 2:30 ng hapon naman nang matagpuan sa loob ng Room D Winnie Joy Dormitory sa 417 J. Figueras St.Sampaloc,Maynila ang biktimang si Nestor Nieves,63.
Si Nieves ay huling nakitang buhay alas- 3 ng hapon at nagreklamo ng pananakit ng tiyan.
Wala namang nakitang sugat sa katawan ang mga biktima.na palatandaan na pinatay.
Hinala ng mga pulis na kapwa namatay sa kanilang mga iniindang sakit ang mga biktima.
Dinala ang 3 bangkay sa funeral home para sa awtopsiya at safekeeping. (Philip Reyes)














