Patay na at tadtad ng tama ng bala nang makita ang tatlong magkakamag- anak matapos ang madugong shootout sa Purok 7, San Julian, Tabuk City, Kalinga, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Tabuk City Police Office ay kinilala ang mga nasawi sa naganap na engkuwentro na sina Santos Calsiyao, Tokar Calsiyao, at Leo Palat Calsiyao, pawang residente ng Basao, Dilag, Tabuk City, habang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng grupo na nakasagupa ng mga biktima.
Sinasabing natagpuan ang bangkay ng tatlong lalaki matapos ang naganap na engkuwentro sa Purok 7, bayan ng San Julian, bandang alas-6:30 ng umaga nitong Huwebes Abril 24, 2025.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na nagkaroon umano ng sagupaan sa pagitan ng mga biktima at hindi pa nakikilalang mga suspek malapit sa tahanan ni Brgy. Kagawad Cleve Dumaguing ng Biga Tribe.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga pulis ang pagkakikilanlan ng nakalabang grupo kasunod ng utos na maglatag ng checkpoint sa mga lugar na posibleng daanan ng mga tumakas na grupo na responsable sa krimen.
Sa kasagsagan ng palitan ng putok, umatras ang grupo ng mga biktima patungong hilaga ngunit hinabol sila ng mga suspek at nang abutan ay pinaulanan ng punglo na naging sanhi ng kanilang dagliang kamatayan.
Narekober sa crime scene ang dalawang M16 rifle at isang shotgun.