BINITBIT ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 2, ang tatlong katao ang kabilang ang dalawang menor de edad matapos ang naganap na riot,kahapon ng madaling araw sa Tondo,Maynila.
Nakumpiska pa ng mga tauhan ni P/ Lt.Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, ang isang .45 kalibre ng baril sa suspek na si Ryan Soriano ng 375 P. Herrera 1 Brgy.26 Zone 1 Tondo.
Habang 2 binatilyo naman ang dinampot, ang isa ay 16 anyos na sinasabing kalaban ni Soriano na itinurn -over sa DSWD at ang isa ay nakitang binabato ng bote at bato ang kalaban na grupo.
Nabatid sa MPD-PS 2, naganap amg insidente alas 4:30 ng madaling araw sa Mel Boulevard na dating Road 10 sa panulukan ng Lakandula St.sa Brgy.29 Zone 2 sa Tondo.
Ayon kay Lorenzo, nagsasagawa ng COMELEC Checkpoint ang kanyang mga tauhan sa panulukan ng Moriones at Wagas St., nang makatanggap ng report mula sa isang concern citizen kaugnay sa nagaganap na rambulan ng mga kabataan sa lugar.
Rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni P/ Major Edwin Malabanan kasama ang team ng Tactical Motorized Reaction Unit( TMRU) at dito nila nakita si Soriano na nagpapaputok ng baril.
Sasampahan si Soriano ng illegal possession of firearms in relation to Comelec Omnibus Code at alarm and scandal.(Philip Reyes)