Latest News

3 Comelec commissioners opisyal nang nagretiro

OPISYAL nang nagretiro ang tatlong komisyoners ng Commission on Elections (Comelec) , tatlong buwan bago ang 2022 national and local elections.

Miyerkules nang hapon ng isagawa ng poll body ang retirement ceremony para Kay Comelec Chairman Sheriff Abas, Commissioners Rowena Guanzon at Antonio Kho Jr.

Magsisilbi namang acting Comelec Chairman simula ngayong araw, February 3 si Commissioner Socorro Inting dahil siya ang senior commissioner.

Magkakaroon din ng balasahan sa komposisyon ng Comelec divisions dahil ang mga natitirang commissioner ay kailangang sumunod sa seniority protocol sa Comelec.

Sa seremonya,binigyan ng token of appreciation sa kanilang pagseserbisyo sa Comelec sina Abas, Guanzon at Kho.

Nagbigay din ng kanilang talumpati sina Commissioners Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, at Rey Bulay para kilalanin ang kontribusyon ng mga papalabas na komisyoner sa Comelec.

Sa gitna ng hidwaan sa pagitan nina Guanzon at Ferolino dahil sa naantalang paglabas ng ponencia sa mga disqualification cases laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., umaasa ang huli na mananatili ang pagkakaibigan nila outgoing poll officials .

“I know that even if they are retired, they are just a phone call away. Right, Chair (Abas), Comm. Kho, Comm. Bing (Guanzon)?” sabi ni Ferolino.

“And I hope that the friendship that we have started will not end with you leaving the commission,” dagdag pa nito.

Nagbigay din ng valedictory speech sina commissioners, Abas, Guanzon, at Kho.

Inalala ni Abas ang kanyang “baptism of fire ” noong 2016 national and local elections , gayundin ang mga reporma na ipinakilala niya sa komisyon mula nang siya ay italaga.

Pinuri siya ng mga outgoing at ng mga nakaupong komisyoner sa kanyang mahusay na pamumuno sa Comelec.

Ang pagreretiro ng tatlong opisyal ay nag-iwan sa kasalukuyang apat na komisyoner na mamuno sa poll body sa pagsasagawa ng 2022 national at local elections.

Lahat sila ay appointees ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang pagtatalaga ng pangulo ng mga bagong komisyoner ay sasailalim sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA) — isang body na binubuo ng mga mambabatas mula sa Senado at House of Representatives.

Gayunpaman, nakatakdang ipagpaliban ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang sesyon nito mula Pebrero 4 hanggang Mayo 22 upang bigyang-daan ang kampanya ng Eleksyon 2022.

Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III, chair ng CA, na hindi maaaring aprubahan ng bicameral commission ang mga appointment dahil hindi sila makakapag-convene kapag na-adjourn ang mga session.

Tags:

You May Also Like

Most Read