Pinayuhan ni Manila Police District (MP) Director Arnold Thomas Ibay ang mga mag-aaral na umiwas sa mga di kilalang tao upang hindi mabudol.
Ito matapos na arestuhin ng mga tauhan ng MPD-Police Station 14 kamakalawa.ng hapon ang tatlong miyembro ng Budol-budol gang na nambibiktima umano ng mga estudyante, sa University Belt Area sa Maynila.
Napag-alaman kay MPD Director Thomas Ibay na ang tatlong suspek na sina John Mark Bersula,Mark Pelan Reyes, at Jefferson Quiliza ay sumasailalim na sa imbestigasyon.
Ani Ibay, modus operandi ng grupo ang pagi-interview kunwari ng kanilang biktimang estudyante na isasama para umano papirmahin at pagsama ng estudyante ay saka lalapit ang tatlong kasama nito at kukunin ang mga gamit ng biktima.
Isang biktima diumano ang nakunan ng cellphone, credit card at P8,000 cash na nakalagay sa wallet.
Isinalaysay ng biktima na naglalakad siya sa may Claro M.Recto nang lapitan ng suspek at hingan ng opinyon kaugnay sa fraternity at hazing.
Kasunod noon ay niyaya umano siya sa Barbs Coffee at pagkatapos ay isinama siya sa Popeye restaurant para umano pumirma kung saan pinaiwan umano ng suspek ang kanyang mga kagamitan.
Pagbalik ng biktima ay wala na ang suspek at natangay na ang kanyang mga kagamitan.
Inalerto ni Ibay ang mga miyembro ng MPD na nakatalaga sa UBA na higit pang paigtingin ang laban sa iba’t-ibang uri krimen sa UBA na target biktimahin ang. mga estudyante.