2nd booster shots, matumal

NAGING matumal pa ang pagbabakuna sa second booster matapos na makapagtala lamang ng 1,900 immunocompromised (ICPs) individuals na ang nabigyan ng second COVID-19 booster shots sa National Capital Region (NCR).

Nalamam kay Dr. Gloria Balboa, regional director ng Department of Health (DOH)- NCR, target nilang maturukan ng second booster doses ang mahigit sa 250,000 katao na mahina ang immune systems sa rehiyon at mas malaki ang tiyansa na dapuan ng COVID-19.


“’Yung mga immunocompromised sila ang mas vulnerable po dito sa COVID-19, lalo nga kung merong bagong variant at saka nagwe-wane ‘yung immunity. Kahit nabakunahan na, sila ‘yung mas apektado,” ayon kay Balboa .

Una nang sinimulan noong Abril 25, ng pamahalaan ang rollout ng second COVID-19 booster shots sa bansa, pero ang ICPs lamang muna ang target ng naturang vaccination.

Kabilang sa mga itinuturing na ICPs ay yaong may immunodeficiency, may HIV, cancer patients, transplant recipients, mga pasyenteng umiinom ng immunosuppressive drugs, at mga bedridden patients o may terminal illness o malalang karamdaman.


Samanyala, inamin rin ni Balboa na may ilang healthcare workers at senior citizens, na hindi naman immunocompromised, ang nabigyan na ng second booster doses sa unang araw ng rollout ng pagbabakuna.

Ito umano ay “honest mistake ” ng isang pagamutan sa rehiyon.


Ang second booster ay inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) mayapos payagan ang aplikasyon sa emergency use authorization (EUA) para sa ICPs, matatanda at healthcare workers. (Philip Reyes)


Tags: Department of Health (DOH)- NCR

You May Also Like