INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na natanggap na nito ang ikalawang batch ng automated counting machines (ACMs) na gagamitin sa 2025 National and Local Elections (NLE) at 1st Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections.
Ayon sa Comelec, may kabuuang 8,640 units ng ACMs at iba pang paraphernalia ang nai-deliver na sa kanilang warehouse sa Biñan, Laguna.
Kaagad namang sinuri ng mga Comelec officials ang partial delivery ng mga ACMs, sa pangunguna ni Chairman George Erwin Garcia at mga senior officials ng poll body.
Ang aktibidad ay sinaksihan ng media at iba pang election stakeholders upang matiyak na ang lahat ng items na natanggap ay nasa maayos na kondisyon, kung saan naglaan ng viewing deck ang Comelec sa loob ng warehouse para sa kanila para na rin sa transparency at inclusivity.
Ayon sa Comelec, sakaling matuklasang mayroong diperensiya ang mga unit ay kaagad rin nilang maipag-uutos ang pagpapalit ng mga ito.
Naroon din upang mag-obserba sa second batch delivery ang mga citizen’s arms groups na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizen’s Movement for Free Elections (Namfrel) at civil society organization Legal Network for Truthful Elections (LENTE).
Napag-alamang sa kasalukuyan ay mahigit sa 24,000 ACMs na ang nai-deliver ng Miru sa Comelec.
Bawat delivery ng ACM unit ay may kasamang ACM case, power cords at adapters, privacy screens, thermal paper rolls, devices sa pagtulong sa mga persons with disability (PWD), paper seals at iba pang election paraphernalia.
Samantala ay inaasahan rin umano ng Comelec na bago matapos ang taon ay makukumpleto na ang delivery ng kabuuang 110,000 ACMS.














