Dalawamput siyam (29) na mga wanted personalities ang naaresto sa isang linggong anti-illegal drugs operation na ikinasa ng mga operatiba ng Quezon Police Provincial Office (PPO) simula Hulyo 9 – 15, 2023.
Ayon sa Provincial Director ng Quezon PPO na si PCOL Ledon D Monte, sa nasabing mga operasyon ay nakakumpiska ang mga operatiba ng 129.08 na gramo ng shabu at 2.20 na gramo ng marijuana na mayroong Dangerous Drug Value na ? 878,008.00.
Batay naman sa datus ng Provincial Operations Management Operation (POMU) ng Quezon PPO, sa nakalipas na linggo, ang Lucena CPS na naka-aresto ng siyam (9) na drug personalities ang nakapagtala ng pinakamataas na huli. Sumunod naman ang Sariaya MPS at Tiaong MPS na parehas na nakahuli ng tig-apat (4) na drug personalities.
Sa isang pahayag ay muling umapela si PCOL Monte sa patuloy na suporta ng mga mamamayan para sa mas matagumpay na kampanya ng Quezon PPO laban sa iligal na droga.
“Marami na tayong mga successful na mga anti-illegal drug operations o success stories dahil sa tulong ng ating mga kababayan… kaya patuloy ang aming apela sa ating mga kababayan sa kanilang suporta sa aming kampanya hindi lamang sa iligal na droga kundi sa lahat ng uri ng kriminalidad,” ayon kay PCOL Monte.














