NANATILING nakabantay nitong buong Semana Santa ang Office of Civil Defense dahil sa nararanasang ‘high risk heat index’ sa iba’t -ibang lugar sa bansa kasabay sa paggunita ng Holy Week.
Kahapon, araw ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday ay binabantayan pa din ng OCD ang nasa 28 lugar na makakaranas ng peligrosong heat index, ayon sa state weather bureau.
Bago pa mag-Biyernes Santo ay nag-activate ng emergency response protocols ang Office of Civil Defense (OCD) bilang tugon sa inaasahang mapanganib na antas ng init sa ilang bahagi ng bansa na maaaring magdulot ng peligro sa kalusugan.
Batay sa ulat ng DOST-PAGASA, aabot sa 43°C ang heat index sa hindi bababa sa 16 na lugar noong Biyernes Santo. Babala ng ahensya, posible ang heat cramps at heat exhaustion sa ganitong antas at may banta rin ng heat stroke sa patuloy na pagka-expose sa init.
Subalit kahapon, Easter Sunday, inihayag ni OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na naka-alerto ang lahat ng kanilang regional offices at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para magbigay ng agarang tulong at masigurong ligtas ang publiko.
Bunsod ito ng babala ng PAGASA na mararanasan ng 28 lugar sa bansa ang mataas na antas ng damang-init o “danger level heath index. ”
Posibleng umabot umano sa 45°C ang init sa Dagupan City at Subic Bay, habang inaasahan ang 43°C sa Tuguegarao, Aparri at Puerto Princesa. Kabilang din ang Metro Manila sa mga lugar na nasa panganib.
Sinabi pa ng PAGASA na ang “heat stroke ay posible” sa ganitong init at pinayuhan ang publiko na umiwas sa labas, uminom ng maraming tubig at magsuot ng preskong damit upang makaiwas sa ‘heat-related illnesses.’
Ang pinakamababang heat index ay nasa 28°C sa Baguio City at La Trinidad, Benguet, na pasok lamang sa “caution” level.