NASA 25 drum na kemikal na sinasabing pangunahing sangkap sa paggawa ng shabu ang kinumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Custom mula sa isang barko galing ng Liberia.
Nakatakda ring sampahan ng kaso ng BOC at PDEA ang pamunuan ng nasabing barko sa pagpupuslit ng hydrochloric acid na sangkap na ginagamit sa paggawa ng shabu.
Napag-alaman sa pagrerekisa ng mga tauhan ng BOC ay nadiskubre ang mga kemikal lulan ng barko na dumating mula Liberia at dumaong sa lalawigan ng Cebu.
Bigo ang mga sakay nito na makapagpakita ng dokumento sa Bureau of Customs (BOC) matapos na dumaong sa Lapu-Lapu City.
Paliwanag ng kapitan ng barko, inutusan lamang sila ng kanilang employer na dalhin ang mga kemikal na umano’y kailangan sa paglilinis ng barko mula sa Japan.
Sinabi pa ng kapitan na nanggaling na rin sila ng Estados Unidos, Singapore at South Korea pero dito lang sa Pilipinas sila nasita.
Giit ng PDEA, labag sa batas ang pagkakarga ng bulto ng hydrochloric acid sa barko nang walang mga kinakailangang dokumento. (VICTOR BALDEMOR)














