DAHIL sa umano ay pagmumura at paglaban sa mga pulis na sumita sa kanya sa isang ‘Oplan Galugad’ sa Block-1 Dubai, BASECO Compound, Barangay 649, Port Area, Maynila, sa kulungan bumagsak ang isang 24 anyos na lalaki.
Nagsampa na ang Manila Police District -Police Station 13 ng kasong paglabag sa Art. 151 of RPC (Resistance and Disobedience to an Agent of a Person in Authority) at Art. 148 of RPC (Direct Assault) laban sa suspek na si Junior Francisco, ng 578 Block-1 Dubai, BASECO Compound, Barangay 649, Port Area, Maynila.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12 ng madaling araw sa nabanggit na lugar habang nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ sina PSSg Rhea Lourdes Jao, Pat. Aaron Justin Tumbaga at Pat. Allan Cel Dayao.
Sinita ng mga pulis ang suspek at pinaalalahanan sa paglabag sa Manila curfew ordinance.
Sa halip na umuwi, nagalit umano ang suspek at pinagmumura ang mga pulis.
Nang aarestuhin ay nanlaban pa umano ang suspek kaya napilitan ang mga pulis na gamitan ito ng puwersa para maaresto at dinala siya sa presinto alas-2 ng madaling araw para sa kaukulang imbestigasyon.














