SIMULA sa buwan ng Hulyo ay magkakaroon na ng kani-kanyang health maintenance organization (HMO) cards ang 232,000 miyembro ng Philippine National Police.
Ito ang inihayag ni PNP chief Gen Rommel Francisco Marbil nang pinangunahan niya ang paglulunsad ng ‘PNP Family Day’ sa Camp Crame nitong nakalipas na linggo.
“Next month we will be giving yung cards, yung HMO cards, para sa bawat pulis although worth na PHP40,000 yan, maliit lang po but we will make sure na makakatulong sa inyo . ani P/Gen Marbil.
Ayon sa heneral, malaking bagay ang nasabing HMO cards sa mga pulis lalo na sa mga malalayong lalawigan kung saan walang ospital ang PNP.
“Usually mga private hospitals so instead we give them new cards so they can go anywhere basta accredited yung establishment (hospital)” ayon pa sa heneral.
Hindi naman inihayag kung anong health care providers o HMO ang naka kuha ng kontrata para sa health card ng mahigit 230 libong pulis.
Sinabi ni Marbil na ngayon lang nagkaroon ng sariling health card ang mga pulis, na magbibigay sa kanila ng katiyakan na makakatanggap sila ng immediate medical assistance sa mga accredited hospital kahit na wala silang pera.
Magugunitang ipinangako rin ng heneral na pagkakalooban nila ng kinakailangang legal assistance ang mga pulis na nahaharap sa counter charges na kabilang sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng mga alagad ng batas sa pagtupad nila sa tungkulin.
Kahapon mahigpit na tinagubilinan ni Marbil ang lahat ng kasapi ng PNP na itaguyod ang batas at panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng integridad, lalo kung may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Samantala, nagbabala ang heneral sa mga kasapi ng kapulisan na sinuman ang mahuling nagbibigay ng proteksyon sa illegal POGO operations ay mahaharap sa mabigat na kaparusahan.
“Integrity and accountability are the cornerstones of our public service. We remain committed to ensuring that our officers uphold these values,” ani Gen Marbil.