Umaabot na sa 2,310 indibidwal o 662 pamilya mula Barangay Mansalanao ang kasalukuyang nanunuluyan sa Saint Vincent Ferrer Parish-Shrine sa La Castellana, Negros Occidental ng Diyosesis ng Kabankalan, matapos ang pagsabog ng bulkang Kanlaon.
Ayon kay Parochial Vicar, Fr. Romel “Boyet” Enar, ang mga evacuees ay pansamantalang nakatira sa St. Vincent’s High School, dahil hindi sapat ang espasyo ng mga pasilidad ng parokya upang tanggapin ang lahat ng mga nagsilikas.
“‘Yung school namin ay hindi ganoon kalakihan pero dahil they’re putting one barangay in one evacuation center para mas madali yung documentation…Medyo magulo kasi ‘yung rooms namin are all occupied and then we have an auditorium na hindi naman, wala kami mga tent. Ang [local government unit] provided us with probably mga 10 siguro or 12 [tents]. ‘Yung iba parang cowboy na lang sa auditorium, ‘yung iba nasa gilid ng simbahan, front of the convent, parang ganoon na lang muna ‘yung kanilang ginagawa,” ani Fr. Enar.
Nanawagan ng tulong sa publiko ang parokya dahil kailangan ng mga evacuees ang ready-to-eat meals, maiinom na tubig, hygiene kits, damit, facemasks at sleeping kits.
Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaari umanong dalhin ang in-kind donations sa St. Vincent Ferrer Parish-Shrine sa La Castellana, Negros Occidental.
Sa mga cash donations, maaari itong ipadala sa GCash Account ni Fr. Ricon Dagunan (Parish Priest) sa 0917-771-6917 o sa BDO Network Bank Account name: St. Vincent Ferrer Parish-Shrine sa Account No.: 046820017846.
Matatandaan na sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), pasado alas-3 ng hapon kahapon nang maganap ang pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Ito ay lumikha ng 4,000 metrong taas na makapal at maitim na usok kaya inilagay sa Alert Level 3 ang bulkan.