NASAWI ang isang 23- anyos na rider matapos pagbabarilin ng kasamahan niya ring rider, kamakalawa ng gabi sa felix Huertas St. corner Bambang St. Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay PMSg Arvy Macarasig, imbestigador ng Manila Police District -homicide section, ang biktimang si Aaron Gibb, ng 1032 Yuseco St. Tondo, Maynila, ay namatay noon din dahil sa mga tama ng baril..
Ang suspek na may taas 5’7-5’9,nakasuot ng kulay itim na long sleeves at short pants, ay mabilis na tumakas matapos barilin ng ilang beses ang biktima at inaalam pa ang pagkakakilanlan nito.
Batay sa record ng CCTV, kapwa nagmamaneho ng motorsiklo ang biktima at suspek kung saan nakasunod ang suspek sa biktima nang pagsapit sa nabanggit na lugar ay ipinarada ng biktima ang kanyang motorsiklo, gayundin ang suspek.
Maya-maya, nakitang nag-uusap ang dalawa nang biglang bumunot na ng baril ang suspek at ilang beses na pinaputukan ang biktima, dahilan upang ito ay agad na masawi.
Mabilis na sumakay ng motorsiklo ang suspek at tumakas nang makitang napuruhan ang biktima.
Inaala, pa ng pulisya ang motibo sa krimen.














