216 RIOTERS SA MARAHAS NA RALLY SA MAYNILA, SINAMPAHAN NG KASO; MPD, NAKA-FULL ALERT PA RIN

Ni Itchie G. Cabayan

NAGSAMPA ng mga kasong kriminal ang Manila Police District (MPD) laban sa 216 katao, kabilang ang 89 menor de edad, kaugnay ng karahasang inihasik nila sa dapat sana ay tahimik na anti-corruption rally sa Maynila noong Linggo, Setyembre 21 at nananatili umanong naka-full alert status ang pulisya kaugnay ng pangyayari.


Ang mga kaso ay isinampa ng MPD sa Manila Prosecutor’s Office nitong Lunes, sa gitna ng pagkakasugat ng maraming pulis at sibilyan at mga nasirang ari-arian na kanilang iniwan.

Ayon kay National Capital Region Office (NCRPO) spokesperson Maj. Hazel Asilo, hindi bababa sa 70 kapulisan ang nasugatan, ang iba ay malubha, sa riot na naganap at pinasimulan ng isang grupo ng mga kabataang nakasuot ng face mask.

Nais umano ng mga nasabing kabataan na hayaan silang pumasok ng Mendiola at Malacanan habang isinisigaw ang planong sunugin ang Malacanan.


Tinangka umano ng mga grupong ito na lagpasan ang mga trak at iron barriers na inilagay ng pulisya at nang mabigo ay pinagbabato ang mga pulis ng mga bote at malalaking tipak ng bato at bukod sa mga pulis ay tinamaan din at nasugatan ang reporter na si Manny Vargasng DZBB.

Iniulat ni Vargas na isinisigaw ng mga kabataan na susunugin nila ang Malacanan.




Samantala, bukod sa nasabing pananakit ay sinira din ng mga rioters ang ilang pribado at pampublikong pag-aari gaya ng street signs at traffic light, gayundin ang ilang nakaparadang sasakyan at motor, binasag ang mga salamin sa ilang pribadong establishments at binaboy ang mga pader.

Samantala, patuloy pa ring naka-full alert status ang pamunuan ng MPD at sinabing posibleng isang grupong tinatawag na ‘hip-hop gangsters’ ang nasa likod ng karahasan nitong nakalipas na Linggo.


Ayon kay MPD spokesperson PMaj Philip Ines, hindi pa sila nagbababa ng alerto at marami pa ring lugar sa lungsod na patuloy nilang binabantayan at batay aniya sa inisyal na impormasyong kanilang natanggap ay posibleng mga miyembro ng hip-hop gangster, na naimpluwensiyahan ng isang ‘rapper’ ang nasa likod ng riot.

“Nasa full alert pa kami. Hindi pa binababa ang ating alert level. Marami pa rin tayong binabantayan sa lungsod ng Maynila…Hindi natin ibababa ang antas ng pagbabantay para dito sa ating mga kababayan.“Initially ang nabuo lang nating information, mga miyembro ito ng mga hip-hop na gangster. ‘Yun lang ang nakuha natin. Ang kine-claim nila, naimpluwensiyahan lang sila ng isang tinatawag natin na isang rapper na personality, pero hindi pa natin ito naba-validate ‘to, account lang ito ng nasa kustodiya natin,” pahayag ni Ines.

Aniya, ang ilan sa mga naturang indibidwal na galing sa iba’t- ibang lugar sa Metro Manila, at pawang nakasuot ng itim na damit, mga bonnet at maskara, ay kaagad namang naaresto matapos na mambato at manira ng mga ari-arian sa Ayala Boulevard, Mendiola at Recto Avenue.


Nakikipag-ugnayan na ang MPD sa Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group upang alamin ang katotohanan sa pahayag ng mga naarestong rioters dahil “Sinasabi nila na nagkaroon ng paghikayat sa kanila online. Ang sa atin po, magkakaroon tayo ng pag-iimbestiga at hindi tayo papayag na hindi natin mapapanagot ang may hayagang paglabag sa batas.”

Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like