HINDI kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang inilabas na ‘death toll’ ng Philippine National Police (PNP) na umaabot na sa 21 ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng Bagyong Carina at ng umiiral na Southwest monsoon o Habagat.
“The data reported from PNP will undergo a process po that is subject to verification and validation,” ayon sa NDRRMC.
Kasunod nito, nilinaw ng NDRRMC na nasa 14 pa lamang kanilang ‘reported deaths’ at walo rito ay dahil sa tindi ng paghagupit ng Tropical cyclone Butchoy na nakalabas na ng AOR ng Pilipinas noong isang linggo pa, habang anim pa lamang ang kanilang natatanggap na ulat kaugnay sa bilang ng mga nasawi bunsod ng Bagyong Carina na tumama sa Metro Manila at Luzon
May dalawa ring inulat na nasaktan at dalawang ‘reported missing’ habang tinatahak ni TY Carina ang dulong hilagang Luzon kahapon papuntang direksyon ng Taiwan .
Ayon sa inilabas na Situation Report ng NDRRMC, 14 ang total na bilang ng nasawi na may kaugnayan sa pinagsanib na epekto ng Carina, southwest monsoon (habagat),at ng nagdaang tropical depression “Butchoy”.
Sa anim na inulat na nasawi bunsod ng bagyong Carina ay isa pa lamang ang navaa-validate ng Office of Civil Defense, ang 40-year-old na lalaki na nalunod sa Quezon City habang isinasalba ang kanyang Mitsubishi L-300 van.
Vina-validate pa ang apat na nasawi sa Agoncillo, Batangas matapos na matabunan ng lupa na kinabibilangan ng isang buntis, anak nito at dalawang kapatid.
Wala ang ulat hinggil sa apat na lalaking namatay dahil nakuryente, tatlo rito ay mula sa lalawigan ng Rizal habang sa Tayuman sa Maynila ang isa pa.
Ayon kay PCol. Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal, galing ang tatlong nasawi sa Montalban, San Mateo at Cainta na pawang nakahawak o nadikit sa live wire.
Isang lalaki at isang babae naman ang nasawi sa pagkalunod sa lalawigan ng Bulacan habang isa pa ang nasawi sa Montalban Rizal.
Nasa 245,000 pamilya o 1.1 milyong tao ang naapektuhan ng sama ng panahon, ayon sa NDRRMC.
Dagdag pa ng ahensya na ang masamang panahon ay nag-iwan ng humigit-kumulang 9.7 milyon na pinsala sa agrikultura.
Ang kambal na bagyo at habagat ay nag-iwan din ng 49 na kalsada at walong tulay na hindi madaanan at nagpabagsak ng kuryente sa 69 na lungsod at bayan. Hindi bababa sa 292 bahay ang nasira, ayon pa sa NDRRMC.
“The NDRRMC has provided P776,996.63 worth of food and non-food relief items to victims of Carina in Regions 1, 2, 4B, 5, and 6. Help is on the way for other typhoon victims as there remains a total of P3,785,420,885.60 in standby funds and prepositioned relief stockpiles from the Office of Civil Defense (OCD) and Department of Social Welfare and Development (DSWD), ” pahayag pa ng Office of Civil Defense.
Samantala, nasa ?33 milyon na ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong rehiyon.