ITINATAYANG mahigit sa 20,000 pulis ang ikakalat para pangalagaan ang seguridad sa gaganaping kauna-unahang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr., ayon sa pamunuan ng Philippine National Police.
Base umano sa official na prinisinta ng PNP -National Capital Region Police Office ay nangangailangan sila ng higit 15,000 subalit kung idadagdag pa umano ang force multiplier mula sa military, mula sa Presidential Security Group at Metropolitan Manila Development Authority ay posibleng umabot sa mahigit 20,000 ang manpower na ide-deploy, ani PNP Director for Operations PMGen. Valeriano de Leon.
Nilinaw ni De Leon na kasama sa nasabing puwersa ang active disturbance management groups na sadyang itinalaga para magbantay sa SONA ng pangulong Marcos, Jr.
Tahasang sinalungat ni De Leon ang akusasyon ng mga militanteng grupo na masyadong overkill ang plano ng PNP na magtalaga ng 20,000 pulis .
“Baka mamaya, pag may mangyayari, di inaasahan, magtatanong ang kababayan, asan ang mga pulis?” anang opisyal.
Nangangamba naman ang mga progresibong grupo na baka magmistulang military garrison ang buong Quezon City partikular sa area ng Batasan Complex dahil sa dami ng nagkalat na pulis at militar.
Una nang inihayag ni Bayan Secretary General Renato Reyes, Jr., na “overkill” ang pagpapakalat ng 20,000 pulis para sa unang SONA ni Pangulong Marcos na aniya’y pag-aaksaya rin sa pondo ng bayan.
“Yan po ay overkill na, tsaka ano e, parang nagsasayang po ng pondo. Sa panahong kapos na kapos na nga ang pondo ng gobyerno nagsasayang pa ho. It’s an unnecessary deployment of personnel para sa security, ano pa ho bang kinakatakot nila? Sila na ang nagsasabi na very popular daw ang presidente nila, pero bakit kailangang palibutan ng 20,000 security personnel? It doesn’t make sense, it is a big waste of public funds.”
Napag alamang tuloy ang kilos-protesta ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa araw ng unang State of the Nation Address (SONA) ni BBM sa Lunes, July 25.
Tiniyak din ni Reyes na magiging mapayapa ang pagdaraos ng protesta basta’t hindi sila gigipitin ng mga pulis.
“I think for the last six years, naging maayos po ang pagdaraos ng mga rally, there were no untoward incidents. Siguro ganun din naman ho ang inaasahan natin. Ang magiging problema lang diyan, kapag sinusupil ng kapulisan yung karapatang magprotesta, syempre hindi ho papayag yung mga tao. So, yun ang dapat na i-consider nila diyan,” giit niya.
Ayon kay Reyes, noon pang Biyernes nang magsumite sila ng request for permit at naghihintay na lamang sila ng tugon ng Quezon City Hall. (VICTOR BALDEMOR)














