Nais ng Simbahang Katoliko na makilala ang 2025 Alay Lakad ng diyosesis sa buong mundo lalo na sa Guinness World Records bilang ‘Largest Gathering for a Walking Pilgrimage in 12 Hours.’
Magsisimula sa Abril 17, Huwebes Santo, ng alas- 6 ng gabi hanggang Abril 18, Biyernes Santo, ng alas 6 ng umag ang nasabing aktibidad.
Kaugnay niyan ay muling inaanyayahan ng Diocese of Antipolo ang mga mananampalataya na makiisa sa taunang Alay Lakad patungong International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral sa Huwebes Santo.
Ayon kay Parish Priest, Antipolo Bishop Ruperto Santos, ito ang natatanging panahon upang ipahayag ang malalim na pananampalataya ng mga Pilipino na nakikiisa sa sakripisyo ng Panginoon sa pamamagitan ng paglalakad ng 17 kilometro mula Metro Manila patungong Antipolo Cathedral.
“Such a record would not only highlight the spiritual significance of the pilgrimage but also bring global recognition to the cultural and religious traditions of the Philippines,” ani Bishop Santos.
Noong 2024 ay tinatayang nasa 7.4 milyon perigrino ang nakilahok sa Alay Lakad na kung saan pagsapit sa dambana ng Antipolo Cathedral ay nag-aalay ng panalangin ang mga nakikilahok at mga barya, bilang pakikiisa sa mga layunin ng Simbahan, kabilang na ang paglingap sa kapwa.
Nakalikom ng mahigit P100,000 ang dambana mula sa mga baryang inialay ng mga perigrino na ginamit naman ng diyosesis upang pondohan ang pagpapatayo ng Chapel of Our Lady of Antipolo sa Tanay Rizal, na magiging sentro ng pagpapalalim sa pananampalataya at sakramento ng simbahan lalo na ang pag-iisang dibdib.