Hihilingin ng Commission on Elections (Comelec) sa Palasyo ng Malakanyang na maideklarang holiday ang 2023 Barangay and Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, maglalabas sila ngayong Miyerkules ng isang resolusyon upang hilingin ang naturang deklarasyon.
“Mag-issue kami tomorrow ng request for a declaration,” aniya pa, sa isang mensahe.
Ang 2023 BSKE ay nakatakdang idaos sa Oktubre 30, na natapat sa araw ng Lunes.
Ang voting hours naman sa mismong araw ng halalan ay itinakda mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon lamang.
Samantala, sinabi rin ni Garcia na irerekomenda niya sa Commission en banc ngayong Miyerkules na magpatupad muna ng indefinite suspension sa voter registration sa Israel, kasunod na rin nang nagaganap na kaguluhan doon.
Ani Garcia, mahirap na ipagbakasakali ang buhay ng ating mga kababayan lalo na ngayong hindi pa talaga maayos sa naturang bansa.
Matatandaang ang voter registration para sa overseas voters para sa 2025 elections ay nagsimula na noong Disyembre 2022 at nakatakdang magtagal ng dalawang taon.
Sa kasalukuyan aniya, nasa 2,000 na ang mga bagong botante na nagparehistro sa Israel.