2023 BSKE, aarangkada na ngayong Lunes

By: Jaymel Manuel

Nakatakda nang umarangkada araw ng Lunes, Oktubre 30, ang 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa bansa.

Kaugnay nito, inaasahang magdadagsaan ang mga botante sa mga paaralan at mga malls upang iboto ang mga napupusuan nilang kandidato.

Magsisimula ang botohan ganap na alas-7 ng umaga at magtatapos hanggang alas-3 ng hapon lamang.


Muli namang nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga botante at mga kandidato na tumalima sa mga panuntunang itinatakda ng poll body para sa eleksiyon.

Samantala, simula nitong Linggo ay nag-umpisa na rin ang pag-iral ng nationwide liquor ban sa bansa kaugnay pa rin ng naturang eleksyon.


Magtatagal ang implementasyon nito hanggang sa mismong araw ng eleksyon ngayong Lunes.

Mahigpit na ring ipinagbabawal ng Comelec ang pangangampanya ng mga kandidato simula nitong Linggo at ang sinumang lalabag dito ay binalaang mahaharap sa diskuwalipikasyon.


Nabatid na 42,001 na punong barangay at SK chairpersons ang nakatakdang iluklok sa puwesto ng mga botante para sa halalan.

Nasa kabuuang 294,007 naman ang puwestong pinaglalabanan para sa Sangguniang Barangay at 295,007 ang Sangguniang Kabataan posts.

Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like

Most Read