Nasa 20,000 personnel ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ikakalat para tumulong sa pagbibigay ng seguridad sa Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) at sa paggunita ng Undas.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo,inatasan ni PCG chief Admiral Ronnie Gavan ang lahat ng operating units ng ahensiya na maging alerto at tumutok sa kaligtasan sa pagbiyahe ng publiko.
“Mga 20,000 personnel ng PCG sa buong Pilipinas ay nakaalerto po. Maaari pa itong i-augment noong 10,000 na natitira ,”ani Balilo.
Sinabi ni Balilo na tututok ang PCG sa inter-island provinces kung saan mas madali sa kanilang personnel ang rumesponde at tumulong hindi lamang sa mga turista kundi sa mga botante at poll workers.
Ayon kay Balilo, mas maraming PCG personnel ang ikinalat sa Bicol matapos na hilingin ng Commission on Elections (Comelec).
Napag-alaman na magbibigay rin umano ng tulong ang PCG sa malalayong lugar.
Hanggang nitong alas 6 ng umaga , may kabuuang 14,746 outbound passengers at 11,974 inbound passengers ang na-monitor sa iba’t-ibang pantalan sa bansa.
May kabuuang 3,056 personnel ang ikinalat sa 15 coast guard districts at may 150 barko at 127 motorbancas ang isinailalim sa inspeksiyon.
Napag-alaman din na naka-heightened alert ang PCG mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 6, 2023.