HUMIGIT-KUMUILANG sa 200 pamilyang nasunugan sa Tondo kamakailan ang pinagkalooban ng tulong pinansiyal nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo.
Ayon kay Manila Department of Social Welfare head Re Fugoso, ang mga pamilyang nawalan ng tirahan ay mula sa Barangay 106 at 123 sa Tondo.
Ani Fugoso, bukod sa pansamantalang matutuluyan, pagkain, damit, hygiene kits at iba pang goods, ang bawat apektadong pamilya ay tumanggap rin ng tig-P10,000 na pinansiyal na ltulong mula sa lokal na pamahalaan sa pangunguna mismo nina Lacuna at Servo.
Sa kanyang maikling mensahe, sinabi naman ni Lacuna sa mga residente na ang naturang monetary assistance ay ang munting paraan ng pamahalaang-lokal ng Maynila upang iparamdam na sila ay naririyan upang tulungan ang mga apektadong residente na makapagsimulang muli.
“Hindi po kayo nag-iisa. Kami ay nananalangin para sa inyong kaligtasan, kalakasan ng loob, at mabilis na pagbangon. Nawa’y makatagpo kayo ng tulong, ginhawa at pag-asa sa kabila ng trahedyang ito. Sama-sama nating haharapin ang hamon ng muling pagbangon at paghilom,” ani Lacuna.
Kasabay niyan ay muling nanawagan si Lacuna sa mga residente na maging maingat upang makaiwas sa sunog at laging tiyakin na ang prayoridad sa mga ganitong insidente ay ang pagliligtas ng kanilang mga sarili at mga mahal nila sa buhay kesa mga kagamitan na maaring mapalitan.














