TINIYAK ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa ligtas na kalagayan ang may 20 tripulante ng isang Chinese merchant ship na humakot ng may 55,000 metriko toneladang nickel ore mula sa Pilipinas nang sumadsad ito sa lupa malapit sa dalampasigan ng Guiuan, Eastern Samar.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng Philippine CoastGuard katuwang ang Department of Environment and Natural Resources para tiyakin na walang mangyayaring oil spill gaya ng naganap sa Mindoro.
Batay sa inilabas na incident report ng mga kinauukulan, sumadsad ang barko ng China na MV ZHE HAI 168 sa layong tinatayang aabot sa 2.7 nautical miles mula sa shoreline ng Barangay Sulanga, Guiuan sa nasabing lalawigan .
Tiniyak din ng mga Chinese crew na hindi nagkaroon ng damage at oil spill ang kanilang vessel matapos na sumadsad. Agad ding nagsagawang pagsusuri ang mga opisyales ng DENR at local government ng Eastern Samar kasunod ng paglulunsad ng marine casualty investigation.
Gumamit din ng mga divers ang DENR at Marine Environmental Protection Unit para pag-aralan ang kondisyon ng mga corals sa marine- protected area na malapit lamang sa sinadsaran ng bulk carrier.
Nabatid na iniutos na ilipat ang kargang nickel ore ng Chinese bulk carrier na M/V Zhe Hai 168 na kanilang hinakot mula sa Homonhon Island, Eastern Samar na dadalhin sa Caofeidian District sa China para maging magaan ang gagawing paghatak sa vessel at inaantabayan na lamang ang salvor vessels na manggagaling sa Singapore para i-tow ang nasabing barko.
“The Coast Guard Sub-Station Guiuan will supervise the salvage operations and ensure no spillage will occur by installing oil spill booms,” ayon sa PCG .














