Dahil walang suot na helmet habang nagmo-motor, nasita sa checkpoint sa San Miguel Yamamura, Binondo, Maynila ang isang 20-anyos na lalaki na isa palang carnapper.
Matapos sitahin ng mga tauhan ng Manila Police District -Police Station 12 na nakadetine ngayon ang suspek na si John Enrico Langcuyan, ng Blk 7 Old Site, Baseco Maynila.
Ayon sa pulisya, nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ ang TMRU sa pagunguna ni PSSg Arren Karl Dominguez nang makita ang suspek na nakasakay sa Yamaha Mio motorcycle na kulay dilaw at walang suot na helmet, dahilan upang parahin ito ng mga pulis.
Nang hingin ang lisensiya at ORCR ng motorsiklo nito ay walang maipakita ang suspek na nakitaan pa sa bewang ng isang caliber 22 na may isang bala nang kapkapan.
Sa isinagawang beripikasyon ay napag-alaman na ang dala nitong motorsiklo ay karnap at nakarehistro sa isang Jaycell Llanes Gonzales, residente ng Lipa City, Batangas.
Samantala, sinampahan na ng patung -patong na kaso ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office.
Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa RA 4136 (No Protective Helmet and Driving without License), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 10883 ( The New Anti-Carnapping Law of the Philippines).














