Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang dalawang kalalakihan na nagpapanggap diumano bilang kawani ng Bureau of Custom (BOC) sa Isang entrapment operation kamakailan sa Maynila. Isa sa kanila ay nagpapakilala pang abogado ng BOC.
Ayon sa NBI-AOTCD, kabilang sa inaresto sina Benjamin Sebastian at Juan Natividad Tan, na nagpapanggap na abogado ng BOC.
Nag-ugat ang pag -aresto sa mga suspek dahil sa reklamo ng Philippine Airlines (PAL), na nangikil ng halagang P11 milyon para aprubahan ang umano’y pagpapalabas ng Jet A-1 fuel na inaangkat ng PAL.
Nabatid na kinakailangan umano na aprubahan ni Tan ang pagpapalabas ng imported fuel.
Nang beripikahin, doon na nabuking na hindi ito konektado sa BOC.
Kaagad namang nagsagawa ng entrapment operation ang NBI noong Marso 16, 2023, dahilan para maaresto ang dalawang suspek na nahaharap ngayon sa kaukulang kaso. (Arsenio Tan)