NAGSUMITE na ng rekomendasyon ang Department of Interior and Local Government kay Pangulong Rodrigo Duterte ng dalawang pangalan ng senior police officials para pumalit kay Philippine National Police chief Gen. Dionardo Carlos, na nakatakdang magretiro sa sa Mayo 8.
Sa isang panayam sa radyo, inihayag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nagsubmit na ang ahensiya noong Martes sa Pangulo ng dalawang pangalan bilang rekomendasyon.
Ayon kay Ano, ang kanyang rekomendasyon ay ibinase niya sa “seniority and competency” ng dalawang ranking police officials na hindi muna niya pinangalanan.
Sa kasalukuyan, ang pangalan ng dalawang senior police officials na nakapaloob sa National Police Commission resolution ay hindi pa isinasapubliko.
Nilinaw ni Año na ang kapalit ni Carlos ay magsisilbi bilang officer-in-charge lamang.
Sa ilalim ng Section 15 ng 1987 Constitution, ang Pangulo ay hindi pinapayagang mag-appoint, maliban kung temporary lamang , sa executive positions, 60 araw bago ang presidential elections at hanggang matapos ang kanyang termino.
Ayon kay Año, si Pangulong Duterte ay may karapatang mag-appoint ng sinumang “eligible police official” maski hindi inirerekomenda ng ahensya.
“The President can extend Carlos’ term too,” ayon kay Ano.














