DALAWANG pusher ang nasamsaman ng mga operatiba ng Manila Police District -Police Station 6 ng limang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P34 milyon, isang granada at dalawang baril nang matimbog sa isinagawang buy -bust operation kamakalawa ng gabi sa Del Pilar St., corner M. Roxas St., Brgy. 881 Zone 97, Sta. Ana Maynila.
Nasa kustodiya ng MPD-PS6 ang mga suspek na sina Ardie Severa,alyas Boss at Jhon-Jhon Damil, alyas Jho, kapwa 39 at residente ng No. 1284 C. Tuazon St., Brgy. 739 Zone 80, San Andres, Malate, Maynila
Inaresto ang dalawang suspek alas-9:55 ng gabi sa nabanggit na lugar sa isinagawang buy -bust operation ng MPD-PS6.
Isang pulis na tumayong poseur-buyer ang nakipag-transaksiyon sa mga suspek at nang magkaabutan ay saka inaresto ang dalawa.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang limang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P34 milyon, apat na piraso ng genuine one-thousand peso bill ginamit na buy-bust money, 496 piraso ng pekeng pera, isang .45 kalibre baril, 2 magazine na may 14 bala, isang .38 kalibre ng baril at mga bala nito at isang granada.
Samantala, sinampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) of RA 9165, Violation of R.A. 10591(Illegal Possession of Firearms and Ammunition, at R.A 9516.














