KAPWA wala nang buhay nang matagpuan ng militar ang dalawang piloto ng bumagsak na FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force (PAF) noong Miyerkules, Marso 5, sa Mt. Kalatungan mountain range sa Bukidnon, matapos mawala ito sa gitna ng isang tactical night operation.
Kinumpirma ni Lt. Gen. Luis Rex Bergante, commander ng Eastern Mindanao Command, na natagpuan ang fighter plane ng PAF bandang 11:00 kahapon ng umaga .
Ayon kay LtGen. Rex Bergantem hindi sumabog ang eroplano at natagpuan sa loob mismo ng bumagsak na fighter jet ang dalawang piloto.
“The PAF has grounded its FA-50 fleet and will ensure a thorough investigation into the accident. We are committed to providing all the necessary support to the bereaved families during this difficult time,” pahayag naman ni Col Ma Consuelo Castillo .
Nabatid na kinordonan ng Philippine Army special forces ang paligid ng eroplano kaugnay sa isasagawang imbestigasyon para alamin ang sanhi ng sakuna.
Pinag-aaralan na ngayon ng Army Special Forces ng EastMinCom ang gagawing retrieval operation at pagbababa ng mga bangkay mula crash site.
Matatandaang nawala sa kasagsagan ng tactical night operation kahapon ng madaling araw ang naturang F-50 fighter jet ng PAF, matapos ang isinagawang air support sa ground forces ng EASTMINCOM na nakikipagsagupaan sa malaking grupo ng CPP-NPA.
Hindi pa inilalabas ang kanilang pagkakakilanlan habang hinihintay ang abiso sa kanilang pamilya.
Ayon kay Bergante, “total wreck” ang kalagayan ng eroplano.
Nagkaroon ng sagupaan sa bayan ng Cabanglasan noong Martes ng hatinggabi, dahilan kung bakit hindi agad isiniwalat ng PAF ang posibleng lokasyon ng jet upang tiyaking mauna ang mga rescuers sa crash site bago ang mga rebelde.
Nakatulong sa pagtukoy ng lokasyon ng crash site ang signal mula sa personal locator beacons ng mga piloto. Inilarawan ang lugar bilang “mabundok, masukal, at mahamog.”
Ang PAF FA-50 Squadron ay binili mula South Korea noong 2015 hanggang 2017 sa halagang P18.9 bilyon, ay mahalagang bahagi ng anti-insurgency operations at patrolya sa West Philippine Sea.