NAKATAKDANG gawaran ngayon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ng arrival honors at pagkilala ang dalawang piloto ng Philippine Air Force na nasawi sa isinagawang ‘midnight air support mission’ para sa ground troops ng Philippine Army na nagsasagawa ng tactical operation laban sa mga nalalabing communist New People’s Army sa area ng Mindanao.
Inaasahang pangungunahan mismo ni AFP Commander-in-Chief President Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. ang pagsalubong at paggawad ng parangal kina Major Salang-oy at 1Lt. April John Dadulla na nasawi habang tumutupad ng kanilang tungkulin.
Inaasahan na ang pagdating ngayong Sabado ng dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) matapos silang maibaba sa crash site ng FA-50 fighter jet sa Bukidnon noong Martes ng madaling araw.
Sa media advisory ng PAF, didiretso sa Villamor Air Base sa Pasay City ang mga labi ng dalawang piloto kung saan nakatakda silang gawaran ng parangal.
Nangako rin ang liderato ng PAF ng patuloy na suporta sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing piloto.
Una nang sinabi ni PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo na inaasahang matutukoy na sa lalong madaling panahon ang sanhi ng pagbagsak ng FA-50 fighter jet dahil na-recover na ang flight data recorder nito.
Pinasimulan na rin ang imbestigasyon sa bumagsak na fighter jet ng PAF ngayong nasa crash site na rin ang mga imbestigador ng hukbong panghimpapawid upang suriin ang pinangyarihan ng trahedya habang masusi namang binabantayan ng mga tauhan ng Philippine Army ang paligid ng Mt. Kalatungan, Brgy. Mirayon, Talakag Bukidnon.