2 Patay, 1 Sugatan, 7 Arestado sa Joint Law Enforcement Operations vs Armadong Grupo sa Maguindanao del Sur

By: Victor Baldemor Ruiz

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte — Dalawa ang nasawi, isa ang sugatan at pito ang naaresto mula sa armadong grupo matapos ang matagumpay na joint law enforcement operations laban sa mga naglalabang puwersa sa Brgy. Pandag, Pandag, Maguindanao del Sur, Mayo 10, 2025 ng umaga.

Kinilala ni Lt. Col. Felmax B. Lodriguito, Jr., pinuno ng 2nd Mechanized Infantry Battalion, ang nasawi na si Emran Mamalinta alias Mengko, kumakandidato bilang konsehal ng bayan, habang ang isa ay hindi pa nakikilala.


Batay sa ulat, madaling araw nang magsimula ang sagupaan sa pagitan ng dalawang armadong grupo na konektado umano sa mga magkalabang lokal na kandidato sa Pandag.

Agad namang rumesponde ang tropa ng 2nd Mechanized Battalion kasama ang mga elemento ng 4th Special Action Battalion ng PNP at Pandag MPS upang pahupain ang tensyon, subalit maging sila rin ay pinaputukan ng humigit-kumulang 15 armadong kalalakihan, kaya napilitang gumanti ang tropa ng pamahalaan. Tumagal ang palitan ng putok ng halos isang oras at kalahati.

Matapos ang clearing operation, narekober ng awtoridad ang iba’t -ibang uri ng armas at bala mula sa mga naaresto. Kabilang dito ang tatlong M16 rifles, dalawang garand rifles, isang M653 rifle na may M203 grenade launcher, tatlong 40mm grenades, mga magasin at bala at dalawang bandolier.


Wala namang nasaktan sa panig ng pamahalaan, ayon kay Col. Ronel R. Manalo, Acting Commander ng 1st Mechanized Infantry (Maaasahan) Brigade. Patuloy ang isinagawang security operations upang tiyakin ang kapayapaan sa lugar at tuluyang makabalik sa lugar ang mga apektadong sibilyan.

Pinuri naman ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central (JTFC) ang 1st Mechanized Brigade at mga kapulisan sa agarang pagpapahupa ng girian sa lugar.


“Paiigtingin pa natin ang mabilis, maingat, at agarang aksyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Pandag. Sa kabila ng panganib, patuloy na ginagampanan ng ating mga kasundaluhan at kapulisan ang kanilang tungkulin nang buong katapangan at propesyonalismo. Ang ganitong klaseng operasyon ay mahalaga sa pagtiyak ng ligtas, tapat, at maayos na halalan sa ating rehiyon. Hindi tayo mag-aatubiling harapin at supilin ang sinumang magtatangkang manggulo ngayong halalan,” wika pa ni Maj. Gen. Gumiran.


Tags: Pandag MPS

You May Also Like