2 NPA PATAY, ARMS CACHE AT ENEMY HIDEOUT, NAKUHA SA TULOY -TULOY NA MILITARY OPS SA BICOL

Camp Elias Angeles, San Jose, Pili, Camarines Sur – BUNSOD ng tuloy-tuloy na magkasanib pwersang tactical operation ng Philippine Army at PNP sa pamumuno ni Regional Director, PBGen. Rudolph Dimas ng Police Regional Office 5 (PRO5) at ng mga Bicolano, naging matagumpay ang sunod-sunod na operation ng nasabing grupo sa ibat -ibang lugar sa Bicol Region.

Kinumpirma ni Lt. Col. Racii Alejandro Sotto, Commander ng 81st Infantry Battalion, ang pagkaka-diskubre sa imbakan ng sandata ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Barangay Cabadisan, Ragay, Camarines Sur, na kinabibilangan ng apat na M16 rifles; isang M14 rifle; 160 rounds of Cal. 5.56mm ammunition; dalawang magazines para sa M16 rifle; 16 pieces ng anti-personnel mines (APM); 30 meters electrical wire; isang handheld radio; at iba pang terroristic materials.

Natunton din ng 2nd Infantry Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Orlando Ramos Jr. ang pinagkukutaan at training facility ng CPP-NPA sa Barangay Bagacay, San Jacinto, Masbate,kamakalawa ng hapon na nakuhanan pa ng mga pampasabog.


Samantala ay napatay naman ng mga tauhan ni Lt. Col. Rodito Gotladera ang bagong hirang na 83rd Infantry Battalion katuwang ang local PNP ang dalawang kasapi ng CPP-NPA nang nakasagupa nila ang isang pulutong ng communist rebels sa Sitio Bagasbas, Barangay Del Pilar, Garchitorena, Camarines Sur.

Matapos ang sagupaan ay nasamsam ng mga sundalo ang dalawang M16 rifles, isang carbine rifle, dalawang caliber 45 pistols, mga bala, isang rifle grenade, isang binocular telescope, dalawang anti-personnel mines, at mga personal belongings ng terrorist group.


Pinapurihan naman ni Col. Edmundo Peralta, Commander ng 902nd Infantry Brigade ang seryosong pagtulong ng civilian population sa military para tuluyang wakasan ang armadong pakikibaka ng CPP-NPA sa kanilang rehiyon.

Ayon kay BGen. Aldwine Almase, Commander ng 903rd Infantry Brigade, ang patuloy na pagbibigay ng impormasyon ng mga Bicolanos ang pangunahing sangkap sa bawat matagumpay na military operations sa Bicol region.


Kaugnay nito ay nanawagan si Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) sa nalalabing armed elements ng CPP-NPA na tumugon na sa panawagan ng pamahalaan na magbalik-loob at tahakin ang bagong pamumuhay sa malayang lipunan at makasama ang kanilang mga pamilya ngayong Pasko.

“Huwag niyo nang hintayin na maituro kayo ng mga tao at magaya sa dalawang nasawi sa engkwentro. Paubos na ang inyong mga armas, pati na rin ang inyong pinagtataguan. Malapit na ang pasko, umuwi na lamang kayo sa inyong mga pamilya,” ani MGen Luna. (VICTOR RUIZ BALDEMOR)

Tags: Police Regional Office 5 (PRO5)

You May Also Like