BALOT sa putik nang iahon ng mga tauhan ng Philippine Army 16th Infantry Battalion ang dalawang katao na nakulong sa kanilang bahay ng matabunan ng gumuhong lupa bunsod nang naganap na landslide bisperas ng pasko dulot ng malakas nap ag ulan dala ng shear line sa Claveria, Misamis Oriental.
Sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng Philippine Army na nasa pamumuno ni Lt General Romeo Brawner, hindi nagdiwang ng kanilang pasko ang mga tauhan ng Army 16th IB dahil nagkukumahog silang mailigtas ang mga residenteng na-apektuhan nang naganap na land slide sa Sitio Mamato, Barangay Minalwang sa Claveria.
Mismong araw ng pasko ay pinasimulan ng mga sundalo ng Hukbong Katihan ang kanilang Humanitarian Assistance and Disaster Response operation subalit kahapon lamang nila nailigtas ang dalawang indibiduwal na balot sa putik ang katawan mula sa natabunang bahay.
Nabatid na ilang bahay ang natabunan ng gumuhong lupa at bato maging ang isang heavy equipment ay hindi nakaligtas sa landslides.
Ayon sa 16th IB, nagsimula ang kanilang humanitarian assistance at disaster relief operations noong Pasko sa mga lalawigan ng Misamis Oriental at Bukidnon.
Napag alaman na may dalawang tao din ang inulat na nasawi bunsod ng landslide na naganap na dahilan upang sa mga evacuation centers nagpasko ang may 45,000 residente dahil sa naganap na landslides at flash flood sa dalawang lalawigan ng Misamis sa Northern Mindanao (Region 10).
Sa tala ng PDRRMC Region 10 may 9,839 families or 45,883 katao ang inilikas mula sa 73 barangays sa Misamis Oriental at Misamis Occidental provinces.
Sa halip na mag noche Buena lumikas ang may 6,908 families or 34,081 individuals sa Gingoog City sa Misamis Oriental sa tulong ng Philippine Army ayon sa ibinahaging ulat ni Army’s 58th Infantry Battalion commander Lt. Colonel Christian Uy.
Kinilala naman ni Misamis Occidental, Police Lt. Colonel Harvey Abellanosa, pinuno ng 1st Provincial Mobile Force, ang mga nasawi na sina Mario Sambiog, 70, at anak nitong si Elenita, 43, nang rumagasa ang makapal na lupa at putik sa Barangay Mialen, Oroquieta City nitong nakalipas na Christmas Eve. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)