ARESTADO ang dalawang lalaki makaraang baklasin at nakawin ang telecommunication wires ng Philippine Long Distance Telecommunications (PLDT) sa Sampaloc, Maynila nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Tito Arce, 61 at Ali Andre Sarip, 22, parehong nakatira sa Brgy. 475, Zone 47, Sampaloc.
Sa ulat ng Sampaloc Police Station 4, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganapa ang krimen sa kanto ng Miguelin St., at España Blvd sa Brgy 475, Sampaloc.
Nabatid na nakatanggap ng sumbong sa telepono ang opisyal ng barangay ukol sa nagaganap na pagnanakaw. Agad na pinanood nila ang CCTV footage sa lugar at nadiskubre ang ginagawa ng mga suspek na paglagari sa mga kable habang may gamit pang aluminum ladder.
Agad nilang iniulat ito sa mga tauhan ng España PCP na rumesponde sa lugar at humuli sa akto sa dalawang kawatan. Ikinatwiran ni Arce na para umano sa kaniyang apo ang kikitain sa iligal na gawain habang ‘pangkain’ naman kay Sarip na iniwan umano ng kaniyang ina.
Narekober sa mga suspek ang nasa 20 piraso ng pinutol na kable na may habang 10 metro at nagkakahalaga ng P57,277.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Sampaloc Police custodial jail at nahaharap sa kasong theft sa Manila City Prosecutor’s Office. (Carl Angelo)














