CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – NAPIGIL ng militar ang tangkang paghahasik ng karahasan ng teroristang grupo nang mapaslang ang dalawang kasapi nito, habang nadakip naman ang dalawa nilang sugatang mga kasamahan matapos na makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa Brgy Libutan, Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng Philippine Army, naglunsad ng decisive military operations ang mga elemento ng 6th Infantry (Redskin) Battalion, 33rd Infantry (Makabayan) Battalion at iba pang mga operating units sa ilalim ng 601st Infantry (Unifier) Brigade laban sa mga miyembro ng Dawlah Islamiyah – Hassan Group pasado ala-una ng madaling araw, June 22, 2025.
Ito ay makaraang makatanggap ng ulat ang kasundaluhan hinggil sa pagtitipon ng mga lokal na terorista sa lugar at nagbabalak ng karahasan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga IEDs sa mga matataong lugar.
Sa ikinasang operasyon ng militar, dalawang kasapi ng lokal na teroristang grupo ang napatay. Kinilala ang mga ito na sina Tahir Salim Suweb, 41, residente ng Barangay Baka, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte; at Benladin Adi Kamid, 23, na nakatira naman sa Macasampen, Guindulungan, Maguindanao del Sur.
Samantala, dalawang kasamahan nila ang nadakip matapos na masugatan sa nasabing sagupaan na kinilalang sina Junjun Kayogen Leosen, 37, mula sa Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur; at Rasul Mendoza Kariman, 31, residente ng Barangay Bagan, Guindulungan, Maguindanao del Sur.
Agad namang dinala ng mga sundalo ang dalawang sugatan sa magkahiwalay na pampublikong pagamutan para sa agarang atensyong medikal.
Nakumpiska sa lugar ng engkwentro ang dalawang M16A1 rifles, isang caliber .45 pistol, mga sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IED), isang unexploded ordnance (UXO), iba’t ibang cellphone, isang Bushnell monocular scope, sirang bipod, kagamitang pangkomunikasyon at isang female clutch bag na naglalaman ng mga pekeng ID.
Bunsod nito, inatasan ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, ang kanyang mga tauhan na higit pang paigtingin ang pagtugis sa iba pang miyembro ng nasabing grupo na tumakas mula sa pinangyarihan ng sagupaan.
“Hindi tayo titigil sa pagtugis sa mga natitirang miyembro ng grupong ito. Ang mga napatay na terorista, mga sugatang naaresto at kasamahan nilang nakatakas ay may direktang kaugnayan sa pagpaslang sa tatlong negosyanteng nagmula pa sa Batangas at natagpuang patay sa Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha noong Mayo 30 at sa iba pang mga serye ng nakawan at pagpatay ng mga sibilyan upang matustusan ang mga logistical na pangangailangan ng nasabing armadong grupo. Maliban dito, sila rin ang pangunahing suspek sa pananambang sa ating mga tropa sa Datu Hoffer noong Marso ng nakaraang taon, na ikinasawi ng apat nating sundalo,” pagbubunyag pa ni Brig. Gen. Catu.














