By: JANTZEN ALVIN
Hinatulan ng Baguio City Municipal Trial Court, Branch 1 ng hanggang 30 araw na pagkabilanggo ang dalawang kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na napatunayang ‘ guilty’ sa kasong ‘slight physical injuries’ kaugnay sa ‘hazing death’ ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio noong Setyembre 2019.
Kabilang sa hinatulan ni Presiding Judge Roberto A. Mabalot sina Cadet Third Class Julius Carlo Tadena at Cadet Second Class Christian Zacarias.
Bukod sa hatol na pagkabilanggo,inatasan rin sila ng hukom na magbayad ng tig- P100,000 at P50,000 attorney’s fee sa pamilya ni Dormitorio .
Magugunita na si Dormitorio, 20, ay nakitang walang malay sa isa sa kuwarto ng PMA Mayo Hall sa Fort del Pilar noong Setyembre 17,2019. Kaagad itong isinugod sa pagamutan pero namatay nang sumunod na araw
Sa awtopsiya, lumabas na si Dormitorio ay namatay dahil sa “blunt force trauma” at sa imbestigasyon, lumitaw na ito ay biktima ng hazing at ibang uri ng maltreatment.
Apat pang kadete ang kinasuhan sa pagkamatay ni Dormitorio kabilang sina Cadets Third Class Shalimar Imperial Jr., Felix Lumbag Jr., John Vincent Manalo at Rey David John Volante.
Gayundin, sina Capt. Flor Apple Apostle, Major Maria Ofelia Beloy at Lt. Col. Ceasar Candelaria ay kinasuhan dahil sa pagkabigo na mapagkalooban ng kaukulang medical care si Dormitorio na naging sanhi ng kamatayan nito, bagama’t sila ay inabsuwelto sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.