DALAWANG impersonators ni Philippine Army commanding general Lt. Gen Roy Galido ang nadakip ng Hukbong Katihan sa tulong ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Pampanga.
Ayon kay Army Public Information Office Chief Col. Louie Dema-ala, nagsagawa ng joint law enforcement operation ang mga tauhan ng Philippine Army at PNP-CIDG sa bayan ng Arayat, sa Pampanga nitong nakalipas na linggo matapos na matunton ng mga intelligence operatives ang kinaroroonan ng mga suspek na sinasabing nagpapangap na si Gen Galido.
Sinabi pa ni Colonel Dema-ala na ang dalawang nadakip ay utak ng isang organized scamming group na nambibiktima ng mga government suppliers.
“Their modus operandi involved sending fraudulent messages demanding representation fees from project holders and suppliers using social media accounts that impersonated the Army chief,” paliwanag ni Dema-ala sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, Quezon City kahapon.
Hawak ngayon ng PNP-CIDG ang dalawang suspek na kinilalang sina Antonio Oreño Cerbito at Ariel Oreño, na umanoy mga utak ng organized scamming group na bumibiktima ng mga government suppliers.
Kapwa nahaharap din ang dalawa sa kasong illegal usurpation, illegal possession of firearms and ammunition at possession of illegal drugs.
“The arrest of the suspects underscores the Army’s zero tolerance for fraud, especially schemes that gravely undermine the integrity of our organization,” dagdag pa ni Dema-ala .
Nilinaw pa ng Hukbong Katihan na ang kanilang organization, kabilang ang kanilang commanding general ay hindi magso- solicit o hihingi ng monetary requirements para sa anumang transaction.
Hindi rin umano sila tumatanggap ng kabayaran, pera o bagay mula sa mga applicants at aspiring soldiers sa kanilang recruitment process.
Kaugnay nito ay hinikayat ng pamunuan ng Hukbong Katihan ang sambayanan na kumpirmahin o i-validate muna ang kakikilanlan ng mga nagpapakilalang kasapi o bahagi sila ng organisasyon at humihingi anumang kabayaran para hindi maging biktima ng mga scammers o extortionist.














